Ang problema naayos lang sa sapakan. ‘Yan ang pilosopiya ng tunay na lalaki.
Itanong mo na lang kela Carlo J. Caparas, Homobono Adaza, ‘80s-era Detroit Pistons, at mga miyembro ng Korean and Taiwanese Parliament. Ang diplomatiko at matiwasay na usapan ay para lang sa mga nanoood ng Glee, nakikinig ng Bruno Mars, nagsasabi ng “tuh-maaa” at mga kinikilig sa tambalang Angel-Phil Younghusband.
Yan ang tunay na lalaki. Kahit may “Inday” pa sa pangalan niya.
Ang tunay na lalaki, ayon sa existential philosopher na si Norman Wilwayco at ang lahat ng magigiting na ginoong bumubuo ng Hay! Men blog ay may mga katangiang gaya ng: hindi sumasayaw, hindi nagte-textback, hindi nagsisimba, laging may extra rice, at marami pang iba. Kaya si Rizal daw— kahit maraming tsiks— ay hindi tunay na lalake. Dahil ang tunay na lalaki, umaalis nang hindi nagpapaalam (What more kung may “Ultimo” ka pa). Pambansang Bayani nga si Dr. Rizal, pero mas tunay na lalake sa kanya ang mag-utol na Juan at Antonio Luna (laging naghahamon ng duelo) at ang Supremong laging mainit ang ulo, si Bonifacio.
“Kung ako yun, may sipa pa yan!” tanggol naman ng erpat ni Inday Sara na si Vice-Mayor Rodrigo Duterte (na dating mayor din ng Davao at isa ring Tunay na Lalaki). Yan ang Tatay: kunsintidor. Kung siya daw yun, mas malala pa ang inabot ng sheriff.
Proud pa siya at sinabihan ang anak na ‘wag mag-apologize. At nginaratan niya din ang mga bumabatikos na kolumnista at mga nagpo-protesta. Sana naging tatay ko na lang si Mayor Rudy Duterte, para wala nang mga adik at pusher sa lugar namin. Tinawag siya ng Time Magazine nung 2002 na “The Punisher.” Mas astig ata pag ang alyas ng erpat mo ay “The Punisher” imbes na “Mang Erning Kalbo.” “The Punisher” kasi malupit umano ang mga estilo niya: i.e paghataw ng dos por dos ang mga batang criminal sa harap ng mga magulang (“Pag naulit pa, sa inyo na mangyayari ito!”) o kaya ang pag semento sa kamay ng mga snatcher. Isa pa, hinayaan daw niya ang pamamayagpag ng Davao Death Squad. Like it or not, grabe ang pagbaba ng crime rate sa siyudad nung 1990s. Kamay na bakal.
Kahit ilang beses mag-ngangangawngaw ang mga human rights groups, mukhang mas nakuha pa ni Sara Duterte ang simpatya ng publiko. Nung isang araw, nag-instant text survey ang isang primetime news program kung dapat bang ituloy ng court sheriff na si Abi Andres ang demanda laban sa babaeng sumapak sa kanya. Mas maraming bumoto ng “hindi.”
Nag-sorry na naman daw si Mayor Duterte, pero hindi sa sinapak na court sheriff. Tigasin pa rin ang paninidigan nung ale, kahit ma-disbar daw siya bilang abogado. “Hindi naman ako nagpa-practice eh,” hirit pa niya. ‘Yan ang sagot!
Tama si Prof. Randy David sa column niya sa Inquirer: “In a society where institutions are weak, such leaders often need to repeatedly validate their personal authority in the traditional way before they begin to use it to give birth to the new. I want to think that Sara Duterte is this kind of leader, and not just another goon.” Ginamit din ni Prof. David ang salitang “feudal” kasabay ng “traditional,” meaning ang marahas pero mukhang epektibong paraan ni Daddy D. “This is how folk heroes in a pre-modern society are made.” Ika nga ni Vhing Rames sa Pulp Fiction, “I’m gonna get medieval on your ass.”
Tama man o mali ang tingin mo sa ginawa niya, alamat na si Duterte. “Her feistiness and readiness to stake her personal authority on behalf of the poor will become part of political legend.” Habambuhay natin siyang maaalala sa apat na sapak na huling-huli ng kamera. At kawawa si court sheriff Abi Andres. Habambuhay siyang maaalala ng kasaysayan bilang ang lalaking sinapak ng tsiks na mayor (Ang tanong: bakit hindi mo man lang sinangga?). Sa panahon ng Imahe at soundbite, astig na bayani ang dating ni Mayor Duterte. Isang public official na hindi nagdalawang isip na gumamit ng “nararapat” na dahas. At, given the circumstances ika nga, pabor sa masa ang rason ng pag-init ng ulo niya— ang dalawang oras na pagdelay lang ng demolisyon dahil, nga naman, may inaasikaso pang emergency baha at relief operations ang local na pamahalaan. Isang “hands-on” na pinuno ang imaheng pino-project nito. “Hands on” talaga: kamay o kamao na tumama sa mukha ni Mr. Andres.
Bihira tayong makapanood ng tunay na sapakan sa politika. Ang huli kong naaalalang pisikal na umbagan sa politika ay nung sinampal ni San Juan Rep. Jose Mari Gonzalez si House sergeant-at-arms Bayani Fabic sa Congress nung kainitan ng Erap impeachment proceedings.
Sana mas makakita pa tayo ng maraming ganito sa gobyerno. Sapakan. Mukhang mas may resulta pa ‘to kesa sa mga walang katapusang mga imbestigasyon at hearing (in aid of lecheng legislation). Wala namang pinupuntahan. Hindi sibilisado? Sa panahong ito, ano na ba ang depinisyon ng “sibilisado?” Ang magpakapormal na pakikipag-usap (malalim ng Ingles) sa lobby ng Manila Pen, pag-suot ng Amerikana habang ninanakaw mo ang pera ng taong bayan? Ang magkaroon ng bwarsh-bwarsh na accent sa korte habang pinagtatanggol mo ang isang pamilya ng mamamatay-tao?
Sana mas marami pang sapakan sa politika. Ang corny-corny na ng lecheng due process at rule of law na yan. Lagi na lang sinasabi, hindi rin naman nangyayari.
Pero take note: sapakan, ha. ‘Wag barilan. Bad yun. Walang thrill. Pwera na lang kung si Lito Lapid ang bumabaril.
No comments:
Post a Comment